Monday, February 21, 2005

LS Reg #004

LS Reg #004
Series of 2005



Carmen! Carmen! Aalis na, isa nalang… Carmen! Carmen!

Gusto ko sanang isigaw, “Kulit mo a! ‘Sabing hindi ako si Carmen e!” Sarap sanang pang-inis yun, pero nung panahong yun di kasi ako naghahanap ng away. Gusto ko lang makarating ng Carmen sa lalong madaling oras.

“Ayos, meron pa sa gitna…”, bulong ko sa sarili ko nang papalapit ako sa van. “Ay leche…”, nang makita ko yung uupuan ko, di ko matanto kung paano magkakasya ang puwitan ko sa katiting na upuang iyon. Isipin mo, ano ang “kalahating upo”? Yung tipong isang pisngi mo lang ang nakaupo diba? E yung lagay ko, kalahating pisngi lang ang nakaupo. Nagpasalamat nalang ako sa Diyos at wala akong pigsa sa pwet nung araw na ‘yon, kung hindi siguradong makakapatay ako ng tao ng di oras.

Paalis na ang van nang ma-realize ko’ng nakalimutan kong bumili ng Diatabs™ bago pumunta sa terminal. Delikado pa man din ako dahil sari-sari yung kinain ko bago umalis ng bahay. “Ayos lang siguro, may stopover naman…” Buong P500 ang natitirang pera sa bulsa ko, wala na rin lang akong barya para pambili man lang sana ng tubig o kendi. Nakalampas na ang van sa ulo ng dakilang leon sa Kennon nang maalala ko… “Wala palang stopover ang mga van…patay…”

Camp 5… Camp 4… Camp 3… kay bilis ng takbo ng van. Pero sa lagay kong iyon, nagmimistulang araw ang lumilipas… parang nung Grade 2 ka at atat na atat kang naghihintay ng bell para sa recess. Paano naman, sa ‘kapat na upo ko (err… yun ata yung Filipino ng ¼… ewan), nakaipit ang kanang balikat ko sa pinto at nakasabit naman sa hawakan sa bubong yung kaliwang braso ko. At habang tumatakbo ang sasakyan, nakalimutan ata naming lahat na de-aircon ang van kaya lahat kami sa loob e parang mga nakakaawang piraso ng puto bumbong tuwing pasko.

“Rosario na. Isang oras nalang…”, consolasyon ko sa sarili ko. Pero bago pa man din kami nakalampas ng Rosario, naisip ng driver na i-on ang radio. Okey lang sana e, pero ganito yung kanta… “i-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball! i-shoot mo na ang ball… ang sarap mag-basketbol!” Sa gitna ng asar, pawis at ang pagpupumilit na hindi matawa sa ideyang napagtritripan ata ako ng tadhana, nagawa ko na lamang na pumikit ang humiling na makunsenysa naman sana yung driver at mag-stopover siya… kahit limang minuto lang.

Kahit na napakainit sa loob ng van, nagawa ko pang pagmasdan yung magkatipan sa tabi ko. Pati na yung aleng nakaupo sa dulo na kababaeng tao e nakabukaka ang binti. Eto namang dalawang magsyota ang sarap ng upo. Tulog pa, ‘kamo. Nakasandal yung babae sa balikat ng lalaki. Sa sarap siguro ng posisyong iyon e nakalimutan nyang may katabi siyang lalaking ‘kapat lang ang upo at nakasabit lang sa pinto. Sa bawat pagliko ng van sa kaliwa ay unti-unting natutulak ang baywang ko. Sa bawat pagliko naman sa kanan ay nakakabawi ako ng upo. Minsan pinapakapal ko na yung mukha ko at medyo ipipilit kong iurong ang aking namamanhid na puwitan para makabawi ng upuan. Kung nasa harapan mo ako at ikaw ang nakaupo sa likod, magmimistula akong gagong sumusubok na kumalong sa katabi kong babae. Di ko man naririnig, alam kong pinagtatawanan ako ng mga pasahero sa likod. Wala naman akong magawa kundi humiling ulit na magkaroon sana sila ng pigsa sa pwet at malagay sa sitwasyon ko sa susunod na pagsakay nila ng van.

“Pozorrubio…manong para!”, palambing na bigkas ng boypren ng katabi kong babae. Di ko masukat kung anong klaseng ligaya yung naramdaman ko. Parang yung tatlong salitang yun ang pinakamarikit na mga salitang narinig ko. Nang tumigil ang van, kusa kong binuksan ang pinto at bumaba ako para hindi sila mahirapang bumaba ng van. Sa totoo lang, kailangan ko na ring tumayo para dumaloy ulit yung dugo sa puwet ko. Pagbaba nila e pumasok na rin ako, at sa pag-upo ko, nilubos-lubos ko na ang sarap ng pag-upo at ibinukaka na rin ang mga binti ko na parang nagsasabing, “Walang binatbat ang Jacuzzi dito…”

Urdaneta… Villasis… isang tulay na lang at nasa Carmen na ako. Isang malalim na hinga ang ipinamalas ko nang umakyat ang van sa panghuling tulay, kumaripas ng takbo patawid at parang eroplanong bumababa habang patungo ito sa katapusan ng tulay.

Carmen.

Di man ako taga-Carmen, parang ito na ang pinakamagandang lugar para sa akin mula nang ako’y maupo sa poot ng sanlibutang van na iyon. Halos hindi ako makahintay na makababa ng sasakyan at makahanap ng jeep o tricycle nang makarating agad sa aking destinasyon.

“Teka, nauuhaw ata ako…”, naisip ko nang aking mahagilap ang init ng hangin sa Carmen. Naghanap ako agad ng tindahan, kahit sari-sari store man lang o kung susuwertehin, kahit 7-11 sana. Wala akong madatnan, unti-unting nalugmok ang loob ko. Nang makita ko ang isang gusaling habang-buhay kong maaalala… “Treats”, nabuhayan ako ng loob. Pumasok ako sa gusaling iyon at nang aking buksan ang pinto, umagos sa buong katawan ko ang malamig na simoy ng hangin ng air-con. Umikot-ikot ako sa mga paninda, hanggang sa makarating ako sa Cold Drinks na bahagi ng tindahan. Binuksan ko ang ref, kumuha ng isang bote ng malamig na inumin at dumiretso sa tindera. Tila isang matagumpay na mandirigma, ipinatong ko ang bote sa harapan ng tindera at iniabot ang natitirang P500 na perang papel sa bulsa ko.

“Boss, sorry ho, wala kaming sukli d’yan…”

Biglang nagunaw ang mundo ko.

No comments: