Tuesday, November 21, 2006

hi guys!



hi guys! musta na? too long, i guess, but hey, we're here :-)

first ups, i want you guys to meet Lorvi...

i miss you guys a lot. ive been in the dark for so long, and i know ive neglected all of you because of some of my stints which i thought would make a difference in the world (which kinda did...but at what cost?) and i know that apologies are so outdated in my vocabulary...but i do miss all of you and there's nothing i'd like more than to see all of you again.

ill do the rest of my shoutouts another time, but first things first... xet, i have your bag...hahaha... i know i let you down lotsa times (remembering car's bag story about gilbert...). i tried to see you a couple times pero it seems hindi kita mahahagilap pag nagrrounds ka sa hospital. saw lucky once sa campus, although smile lang. saw mau once too pero hindi ata nya ako napansin. it kinda sucks that i see them and i cant see you, but ill make it a point to drop by the hospital some time...i miss you... and yung "serious conversations and not-so-serious flicks" natin. hope i catch a glimpse of you sometime soon...

car! palagi nalang ako pinagttripan ng dad mo sa law office. dont tell him, may tinakas ako na 1 unit subject kasi alam nyang limited ako sa 15units this sem. hahahaha. miss ko na kakulitan ninyo ni beng. thanks sa mga sms, for the latter part of this year ive been thinking kung sino talaga ang mapagkakatiwalaan ko sa mga kaibigan ko, and i found myself thinking of all of you... CLAADS at ang mga lalaki natin (?) - wala akong ibang maisip na term. hahaha. oo nga pala, gwapo na ulit si serge, so kung gusto mo magreconsider...hahaha, kidding. busy sya sa student org... hope to see you this christmas party sa law... (ps. hindi ko pa naibabalik yung bag si xet...)

beng, naibigay ko na kay anne yung cd ni bong. nasa gibraltar ako last sunday, dun kina atty cabrera, kapitbahay nina diana mallari. naalala ko yung times na magkakasama tayo nina tomas nung hinahatid ka namin. tsaka yung kaisa-isang beses na nalasing ako na kasama ko kayo. hahaha. salamat din sa mga sms. minsan nababasa ko nalang sa gabi mga msgs mo. minsan nga hindi na...pero beng, di mo lang alam kung gaano ako ka-thankful na naaalala nyo parin ako kahit nasa ibang planeta ako...thank you!

shee! anya ngay pards?! lam mo, masakit parin loob ko na hindi man lang tayo nagkita-kita bago ka umalis. considering na tayo palagi magkasama noon, tapos nung time pa na aalis ka na, hindi ako nagpakita. miss ko na yung "bust-a-moves" mo, lalo na mga kakornihan at kalokohan mo. hahaha. nag-expire na't lahat ang lisensya ko hindi man lang tayo nakalabas ng barkada na ako nagddrive. hahaha. pero ok lang, i expect na ikaw na ang driver pag-uwi mo dito...or pagpunta namin dyan :-)

dines! musta ka na? alam mo, tuwing magkakasama kami ng barkada, palagi ka namin napag-uusapan. sana kung sakaling makauwi ka dito, magkitakita tayo (although i probably wont be available, but who knows? may puting uwak din sa zoo. hahaha) 4th year high school lang ako napasama sa barkada, but thanks for taking me in. alam ko naman na in-adopt nyo lang kami ni james at andoy galing sa kabilang barkada. hahaha. miss you dines!

annali, musta ka na? mag-miss call ka sakin noon...hehehe...oo, number ko yun :-) naalala ko nung naglalaro pa tayo nung mga bata pa tayo. hahaha. lalo na yung times na pinapatakbo ako ni car sa bahay nyo kung may message sya. (ehem... car?) hindi ko rin talaga inexpect na magiging magkabarkada tayo, considering hindi talaga tayo nagpapansinan nung pre-pubescent periods natin. but hey, things work out for good, and this IS good...miss you, hope to see you soon!

fert! (wag ka na mag-comment sa order ng shoutouts ko at ikaw ang sumunod na naisip ko!) lam mo pre nakakainis na kung magkikita tayo e sa sm lang, sa escalator pa! hahaha. noon ikaw palagi nawawala, pero ngayon, ako ang wala. naisip ko nga noon, dapat may at least isang lalaki na kasama sa barkada. noon ako yun, ngayon ikaw na. hehehe, joke. salamat sa pag-aalala, tsaka sa mga kadramahan natin (kahit lalaki may karapatan mag-drama). busy ka din, alam ko. lahat naman tayo. ako nga lang nagkabuhul-buhol listahan ko ng gagawin kaya napabayaan ko kayo...di bale, hindi na mauulit...

biboy, musta na? thanks for making time na ma-meet nyo ako nina car and beng nung bar ops. ibang-iba ang feeling na magkakasama tayo sa ibang city, yung tipong naiwan ang pressures sa baguio (well...ako siguro. hahaha). so far ikaw palang ang nag-dethrone sa akin bilang pinakaseryoso sa grupo. nyehehehe. pero ok lang, alam ko naman na baliw ka talaga sa totoo. bro salamat sa support... hinding hindi ko makakalimutan yun!

libog! hehe, joke. rowell, wag ka maging hiphop ha, ako unang babatok sa'yo. alam mo tol, tuwing magkasama tayo, puro asar nakukuha ko. pero alam ko, ganun ka talaga magmahal. hahaha. kawawa naman magiging anak mo. oo nga pala, meron na ba? hahaha. biro lang. ikaw, pasimple lang. pero alam ko, matagal din tayo nawala. huli kita nakita sa kasal ni james, sana makita kita ulit. tandaan mo, wag ka magpa-hiphop. batok. hahaha.

ja-mes! pambihira ka naman, uuwi ka dito, bumabagyo?! hahaha. kumusta ang futuristic tatay? tama ka bro, mula first year hanggang fourth year magkasama tayo. mula playstation hanggang magic magkasama parin tayo. mula babae hanggang jamming magkasama parin tayo. siguro balang araw magiging mag-bespren mga anak natin? hahaha. thanks sa support bro, hindi nyo ako iniwan, lalo na nung pauwi after class. hahaha. hi mo ko kay joanne!

andoy, IKAW ang hindi mahagilap ngayon. hehehe. kasi hindi ako naghahagilap kaya di kita mahagilap! ano na work mo ngayon? nag-call center ka pala?! nakita ko lang pic mo na may headset kaya naisip ko yun. bro salamat sa suntok na in-absorb nyo ni james nung first year tayo. at ang nag-iisang korean martial artist natin na kaibigan e hindi ko na napansin. hahaha. joke. hindi na rin ako active sa MBFFBC. sana magkita tayo sa tabi-tabi...kayo ni james ang palagi ko kasama nung high school, salamat sa memories, at least alam ko may mga kaibigan parin ako na hindi ako tatalikuran kahit ano mangyari...thanks!

siya si Lorvi. you have to meet her to really appreciate how wonderful she is. (car, beng, xet, i guess this means wala na ako sa draw lots. hahaha. ako nalang mediator.. :-)

guys, hindi pa ako mamamatay. i appreciate yung pag-aalala nyo sa kin, lalo na pag pinapagalitan nyo ako sa mga katangahan ko. hahaha. i love you guys, and i hope this year-ender hindi lang letter ang ibibigay ko... i really plan to see you guys this time, and maybe, sa wakas, matitikman na ni xet ang luto ko. hahaha. thanks for always remembering me, it's one of the best encouragements ive had...

and yeah, may utang ako na wine. hahaha. later guys...

Sunday, February 26, 2006

Bagahe - Kabanata 7

“Can we talk?”

“Nag-uusap naman na tayo a…”

Hindi parin siya nagbabago. Dati parin ang ugali niya.

“You know what I mean…”

“…”

Dati parin ang ugali niya. Ang ugali niyang pagiging matigas at malamig… lalo na kapag mga maseselang bagay ang pinaguusapan. Ang pagmamahal sa isang tao ay hindi isang bagay na hindi sinasadya. Ito ay isang desisyon… isang desisyong kusang ginagawa. Ang pag-ibig ay isang bagay na ibinibigay ng walang kapalit… walang katumbas… at walang dahilan.

“Say something…”

“Napatawag ka?”

Malupit parin siya. Ang pagmamahal ay isang desisyon. Ipinag-desisyunan ko siyang mahalin… nang walang kapalit… nang walang katumbas… nang walang dahilan. Ngunit sinasadya niyang gawing napakahirap para sa akin ang unawain siya… sa sobrang hirap ay naguumpisa nang sumakit.

“Kumusta ka na…?”

“Ok lang.”

Ok lang? Matapos ang halos isanlibong taon na hindi tayo nagkausap, “Ok lang” ang isasagot mo sa akin? Malamig parin ang tono ng boses mo.

Napagisip-isip ko, hindi na sana ako tumawag.

“Okay…”

Isang dekada na ang lumipas. Parehong sakit… parehong luha. Mahirap pala magmaneho habang umiiyak.

“Nangungumusta lang…”

“Hmm..”

Hindi ko maisip kung bakit napakasakit ng usapang ito. Hindi ko mawari kung dahil ba sa tono niyang napakalamig… o sa pakiramdam ng unti-unting pagkadurog ng aking puso habang tumatagal ang “usapang” ito. Napapikit ako habang pinupunasan ang mga luhang tumutulo mula sa aking mga mata.

“…”

Matagal na katahimikan. Nakabibinging katahimikan. Ang pawang naririnig ko lang ay ang mahinang tunog ng stereo ng sasakyan at ang mahinang huni at busina ng mga nagdadagsaang sasakyan sa highway.

“Nasa’n ka?”

“Sa town.”

Bakit niya ako pinahihirapan nang ganito? Masakit… mahapdi… nakakabaliw ang bigat ng bagaheng ipinatong niya sa aking likod.

“Okay…”

Gusto ko nang ibaba ang telepono. Gusto ko nang takasan ang sakit na dulot ng halos anim na minutong itinagal ng tawag na iyon. Ngunit kailangan kong masabi ang mga dapat kong sabihin… kailangan ko itong matanggal sa aking likuran… ang bagaheng iniwan niya at hindi na binalikan.

“Mahal parin kita…”

“…”

Isa pang nakabibinging katahimikan.

“I said, I love you…”

“Bakit?”

Nakapagtataka ang kanyang mala-yelong tono. Halos gusto ko nang bunutin ang .45 na nakatago sa ilalim ng driver’s seat at pasabugin ang aking ulo.

“Doesn’t that mean anything to you? Anything at all?”

“Bakit mo sinasabi sa akin ‘yan?”

Kailangan ko pa bang ipaliwanag? Ang tagal ng panahong nakilala ko ang aking kausap sa telepono… ang mga saya at hirap na dinanas naming magkasama… ang mga panahon na lumipas na yakap-yakap siya ng aking mga braso… ang mga pagkakataong dumampi ang aking mga labi sa kanya… walang paliwanag ang kinakailangan sa isang bagay na ibinigay nang walang kapalit, katumbas o dahilan.

“Dahil totoo.”

“Okay.”

Nawala siya sa akin ng napakatagal. Isang panahong halos hindi ko mawari kung katotohanan ba o pantasya lamang. Ang mga pagkakataong nagsama kami na tila wala nang bukas ay halos mga liblib na alaala na lamang sa aking isipan. Ngunit bakit? Bakit nakayanan niya akong talikuran pagkatapos ng mga pangyayaring iyon? Nasaan na ang pagkakaibigang nabuo sa paglipas ng panahon?

“I was hoping that meant something…”

“Matagal na yun. Kalimutan na natin ang nangyari.”

“What do you mean?”

“Past is past…”

Masakit. Masakit pa sa mga salitang kanyang binibitawan. Masakit pa sa mga pangyayaring naganap nitong mga nakaraang araw. Pumikit ako at yumuko. Hindi ko na kaya ang sakit… masyado nang mabigat… hindi ko na kaya…

“I’ve always loved you. I’m sor…”

Hindi na natapos ang huling bahagi ng huling salita. Umangat ang aking mga mata sa aking harapan… walang nakikita… pawang kadiliman na bumabalot sa buong paligid… pawang mga malalabong imahen ng tao at sasakyan na umiikot sa aking paligid.

Isang napakalakas na bayo sa aking dibdib. Bumulusok ang kulay pula sa manibela at sa aking mga kamay na nakahawak pa rito. Isang napakatinis na tunog ang umalingawngaw, habang nararamdaman ko ang salaming nababasag at sumasaksak sa aking katawan.

Isang mahabang busina. Isang paimpit na iyak. Isang huling sigaw.

At dumilim na ang lahat.

Tuesday, November 15, 2005

Bagahe - Kabanata 6

Halos isang oras na akong nakaupo sa loob ng sasakyan.

Isang oras.

Isang oras mula nang paulanan ko ng suntok ang kawawang dingding.

Napatingin ako sa aking kanang kamay. Natuyo na ang dugong kanina lamang ay walang katapusan ang pag-agos. Binuksan ko ito at isinara. Inulit-ulit ko ito ng ilang beses.

“Masakit…”, naisip ko.

Isinaksak ko sa ignition ang susi at ipinihit ito. Marahang nabigyan ng buhay ang makina ng sasakyan. Naramdaman ko ang ugong ng buhay nito. Naramdaman kong unti-unting umiinit ang loob nito na kanina lamang ay napaliguan ng hamog dahil sa lamig ng gabi.

“Oo, kailangang paring mabuhay…”

Ikinambyo ko ang sasakyan sa primera gamit ang akong kanang kamay.

“Kahit masakit, kailangang paring mabuhay…”

Saan ako pupunta?

Hindi ko alam. Nagpasabi lang ako kay Ulo na mawawala ako ng buong araw. Kailangan kong mapag-isa. Kailangan kong mag-isip. Kailangan kong mailabas ang kung anumang sakit na unti-unting kumakain sa akin ng buhay.

“Master, I have mail for you…”

Nag-ring ang cellphone ko. Text message.

“San k ppnta…?”

Si Aja.

Pinabayaan ko lang ang mensaheng iyon. Patuloy ako sa pagmamaneho hanggang sa makalabas ako sa main highway. Pinindot ko ang switch ng CD player at nagpatugtog na lamang para kahit papaano ay mailipat ang aking isipan sa ibang bagay.

Ilang bayan na ang nadaanan ko. Ni hindi ko maalala ang ibang lugar na nadaraanan ko nang papunta kami sa resort. Malamang dahil gabi noon. Nag-iiba ang hitsura ng paligid kapag umaga. Unti-unti na ring umiinit. Pinatay ko ang air-con ng sasakyan at binuksan ang bintana.

Sariwang hangin.

Napawi ang nararamdaman kong init nang umagos sa loob ng sasakyan ang preskong hangin na nagmumula sa mga bukiring nakapaligid sa kalsada. Napakalinis ng kapaligiran. Walang basura. Walang mga nakakalat na balat ng pagkain o mga iniwang bote ng alak. Walang mga nagkukumpulang mga jeep at taxi. Walang usok, walang nagsisigawan at nagmumurahan.

Tahimik ang bayang ito.

Tahimik.

Kailangan ko na rin manahimik. Masyado nang magulo at maingay ang isip ko. Kailangan ko nang mamayapa.

“Master, I have mail for you…”

Text message. Si Aja nanaman. Tumatawag pa ito. Pinatay ko ang cellphone at itinago ito sa loob ng glove compartment.

“Ano kaya ang ginagawa nila ngayon…?”, naisip ko. Oo, naiisip ko sila. Pero ayaw ko pang bumalik. Hindi ako babalik hangga’t hindi ako kalmado at mapayapa. Kung kinakailangan, uuwi na ako ng Baguio at doon sila hihintayin.

“Brod, XCS. Limandaan lang…pakiresibo ha.”

Habang kinakargahan ng gasolina ang sasakyan, bumaba muna ako at dumiretso sa tindahan. Mabuti na lamang na may mga tindahan ang mga gas station. May mga pampalamig ng lalamunan, pampalamig ng tiyan… at pampalamig ng ulo. Bumili ako ng tatlong boteng inumin at ilang pirasong makakain. Hindi pa ako nag-aalmusal at ayaw kong mahilo habang nagmamaneho. Bumalik ako sa sasakyan, nagbayad at tumuloy sa aking biyahe.

Kung tutuusin, hindi ako bumibiyahe.

Dahil ang pagbi-biyahe, may pinupuntahan. May patutunguhan.

At dahil wala akong pupuntahan o patutunguhan, hindi ako bumibiyahe.

Tumatakas ako.

Halos tatlong oras na ako nagmamaneho. Hindi ko parin maigalaw ng husto ang aking kanang kamay kaya’t hirap na hirap ako sa pagkambyo. Napag-isipan kong humanap ng isang lugar kung saan ako maaaring magpahinga at magisip. Dumiretso lamang ako sa highway habang minamasdan ang paligid. Patuloy lamang ako sa pagpapatakbo hanggang sa marating ko ang isang pamilyar na bayan.

San Esteban.

Ang bayan ng San Esteban.

Naalala ko ang lugar na ito. Hindi ko maisip kung kailan, ngunit sigurado akong nakarating na ako dito. Kasama ko ang aking ina at kapatid noong panahong iyon. Isang araw na lakwatsa.

Tama.

May pinuntahan kaming dalampasigan. Isang napakalinis at mapayapang dalampasigan.

Naalala ko na.

Naalala ko na ang daan papunta doon. Pinag-isipan kong mabuti ang lahat ng aking nadaraanan. Inalala ko ang lahat ng bahay pati mga tindahan. Pagkalipas ng halos tatlumpung minuto, narating ko ang patutunguhan ko.

Ang dalampasigan.

Hindi ito pribadong dalampasigan. Hindi rin ito resort. Isang dalampasigan lamang sa tabi ng kalsadang palayo sa siyudad. Bumaba ako ng sasakyan at tumungo sa tubig. Umupo ako sa lilim ng isang punong mangga at pumikit.

“Bakit masakit?”

Naalala ko si Aja at si Bryan. Naalala ko kung paano nakasandal si Aja sa katawan ni Bryan. Naalala ko ang kanilang posisyon, pati ang kanilang magkahawak na mga kamay.

Naramdaman kong unti-unting tumulo ang isang luha.

Isang luhang natira mula sa aking pagdadalamhati sa araw na iyon.

Isang luhang kabilang sa ilang nauna.

Mga luhang hindi ko sinadyang pakawalan.

Mga luhang hindi nahulog para kay Aja.

Hindi ako umiyak dahil sa nakita ko.

Hindi ako nasaktan dahil sa magkasama si Aja at si Bryan.

Hindi rin ako nasaktan dahil sa panaginip.

Hindi.

Nasaktan ako dahil naalala ko SIYA. Umiyak ako dahil naalala ko na wala na siya sa aking piling at hindi ko alam kung mapapasaakin pa siyang muli. Pinakawalan ko ang mga luha ko hindi dahil kay Aja, ngunit dahil sa KANYA. Dahil sa babaeng hindi ko nakayanang pakawalan at kalimutan. Dahil sa KANYA, na kahit sa pagkalipas ng ilang buwan, hanggang sa umabot sa ilang taon, hindi ko pa rin magawang kalimutan SIYA.

Patuloy na tumulo ang luhang kanina ko pa itinatago. Patuloy itong umagos hanggang sa umabot ang aking paimpit na ungol sa isang hagulgol.

Oo, masakit. Ngunit ang pag-iyak ay isang paraan upang mabawasan ang sakit. Isa itong paraan upang ilabas ang kung anumang sakit na nagtatago sa damdamin ng tao.

Naalala ko ang dampi ng kanyang kamay sa aking mukha habang ako’y nakapikit. Umalingawngaw sa aking isip ang tinig ng kanyang boses habang siya’y kumakanta. Unti-unti kong naramdaman ang tibok ng kanyang puso habang ako’y nakasandal sa kanyang dibdib. Nalalanghap ko ang bango ng kanyang buhok, maging ang kinis ng kanyang balat sa aking mga kamay at labi. Kumikinang parin ang kanyang mga mata sa tuwing siya ay ngumingiti at tumatawa. Naririnig ko parin ang kanyang mga halakhak sa tuwing magbibiruan sila ng kanyang mga kaibigan.

Nakikita ko parin ang kagandahan ng kanyang pagkatao.

Sumasayaw parin sa aking puso ang taong aking binitiwan ilang taon na ang lumipas.

Iniangat ko ang aking mukha sa langit habang tumutulo ang aking mga luha at ipinikit ang aking mga mata. Unti-unti kong binuksan ang aking bibig…


Unti-unti…

Unti-unting naghiwalay ang aking mga labi… at isinigaw ko ang kanyang pangalan sa langit, kasabay ang tunog ng agos ng tubig sa mga bato at sa buhangin…

Kasama ng tunog ng sarili kong iyak…

Inilabas ko nang lahat.

Ibinigay ko nang lahat.

Inubos ko na ang lahat.

At naintindihan ko na. Natuklasan ko na.

Ang katotohanang nagpahirap sa akin ng ilang taon.

Ang katotohanang pilit kong iniwasan nang kami'y naghiwalay ng landas.

Mahal ko parin siya.

Mahal ko parin siya.

Mahal ko siya.

Ang taong nagpapatibok ng aking puso. Ang taong nagpapabilis ng aking paghinga sa pamamagitan lamang ng kanyang boses. Ang taong naglalagay ng ngiti sa aking mga labi sa tuwing siya’y darating.

Ang taong nagpapaligaya sa aking puso sa kanyang sariling paraan.

Mahal ko siya.

Napangiti ako. Isang simpleng ngiti. Isang ngiti sa ilalim ng mga luha at sakit. Isang ngiting inialay ko sa KANYA, at sa KANYA lamang. Huminga ako ng malalim at bumangon. Pinagpag ko ang aking damit at naglakad pabalik sa sasakyan.

Malapit nang lumubog ang araw. Malapit nang matapos ang araw na ito.

Payapa na ang puso ko. Tahimik na ang isip ko.

Handa na akong bumalik.

Handa na akong bumalik at harapin ang mundo.

Ngunit may kailangan muna akong gawin.

Kinuha ko ang cellphone ko, pinindot ang switch at nag-dial.

“Hello…?”

“Hi… it’s me…”

“Oh… hello…”

“I miss you…”

Wednesday, September 21, 2005

Bagahe - Kabanata 5


Kape.

Oo, kape ‘yun.

Instant?

Hindi… brewed…

Oo, tama… brewed coffee…

Minulat ko ang mga mata ko. Umikot sa kuwarto ang amoy ng bagong salang na kape. Umaga na. Ang unang umaga ng bakasyon. Ibinangon ko ang ulo ko at tumingin sa paligid. Tulog pa sila. Sa aking paanan, nandoon si Jess. Katabi niya si Alex. Mukhang himbing na himbing parin sa pagtulog ang dalawa. Nakatalikod si Alex habang nakayakap naman si Jess mula sa kanyang likuran.

“Sa bagay, wala naman sigurong nangyaring masama…”, naisip ko.

Naalala ko na hindi dapat magtabi ang magkasintahan sa pagtulog. Pero hindi naman na namalayan nang makatulog kami. Pagkatapos kasi ng hapunan ay nagpulung-pulong kami dito sa kuwarto at nagkuwentuhan. Isa-isa na rin kaming nakatulog.

Lumingon ako sa aking kanan. Si Ulo at si Jemma. Nakahiga lang silang dalawa pero magkahawak ang mga kamay nila.

“Teka…hindi ba’t…?”

Nagkatuluyan nga ba ang dalawang ito nang hindi ko namamalayan? Kailan pa kaya? Bago pa kami makarating dito? Ganoon na ba ako kawalang-alam sa mga nangyayari sa paligid ko?

Medyo natakot pa akong lumingon sa bandang kaliwa. Nasilip kong may nakahiga sa ibaba ng kama. Dahan-dahan akong umusod at tumingin. Si Lax at si Watts. Nagtabi rin lang pala ang dalawa. Kinusut-kusot ko ang mga mata ko habang nagiinat.

Biglang may gumalaw sa tabi ko.

Sa kanan ko.

Tao.

Bahagya akong kinabahan dahil wala naman akong naalalang may tumabi sa akin sa pagtulog. Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. Unti-unti kong inilapit ang aking kamay sa laylayan ng kumot upang silipin kung sino ang tao sa ilalim. Dahan dahan. Palapit nang palapit.

Humikab ang taong nasa ilalim ng kumot. Napatigil ako.

“Pambihira… sige na, kaya mo yan!”, pagtulak ko sa sarili ko.

Nahawakan ko na ang laylayan ng kumot at unti-unti ko itong itinaas. Unti-unti…

“Pare naman, kita mong natutulog pa ang tao e… magpatulog ka naman…”

Si Anton pala.

“Sorry pare… teka… hindi mo naman siguro ako ginalaw kagabi ano?”, pabiro kong tanong.

“Hindi pare, ikaw nga gumapang e. Lumabas ka na, natutulog pa ang tao e…”

Lumabas ako ng kuwarto at dumiretso sa labas. Alas-sais y media ng umaga. Nagsalin muna ako ng kape mula sa portable brewer na dala ni Ate Janette at tuluyang lumabas upang makapag lakad-lakad.

Umaagos parin ang dagat sa dalampasigan. Ang bango pala ng simoy ng hangin ng dagat sa umaga. Sariwang sariwa. Kung ganito lang sana ang hangin sa Baguio tuwing umaga, hindi siguro tatamaring gumising ang mga tao. Walang usok, walang polusyon. Walang amoy ng sigarilyo. Maganda ang umaga.

Naglakad-lakad ako sa dulo ng dalampasigan. Nakailang metro na ako ng layo nang may mapansin akong nakataob na banca.

Naalala ko ang panaginip ko. Natigilan ako.

“Hindi, panaginip lang iyon…”, pagkukumbinse ko sa sarili ko.

Unti-unti akong lumapit sa banca. Parang biglang nawala ang aking antok. Ito mismo ang banca na nasa panaginip ko. Ito ang lugar na iyon. Dito kami nakasandal. Dito ko niyakap at hinalikan si… si…

“Aja…?”

Nakita ko si Aja na nakasandal sa likuran ng banca.

“Ang aga mo naman yatang napunta dito…”, naibulong ko sa sarili ko.

Dahan dahan akong lumapit, pilit na iniiwasang makagawa ng kahit anumang tunog. Malapit na ako. Ilang hakbang nalang…

Bigla siyang gumalaw.

Umusod ang katawan niya na parang inaayos ang pagkasandal.

May kasama siya.

Si Bryan?

Nakahiga si Bryan sa binti ni Aja.

Hinihimas ni Aja ang ulunan nito at pinaglalaruan ang kanyang buhok.

Tumalikod ako at naglakad sa kabilang direksyon. Hindi ko na namalayang ibinuhos ko ang aking kape at ihinagis ang tasa sa dagat.

“Bakit ganoon…?”

Dati nang may gusto si Bryan kay Aja. Hindi nga lang siya makagawa ng anumang plano dahil sa mula umpisa, ipinaalam na sa kanya ni Aja na wala siyang pag-asa.
Pero bakit ngayon…?

Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Masakit na kirot. Naramdaman kong kumakapal ang aking lalamunan, na para bang may granadang sumabog sa aking dibdib. Nanlabo ang aking paningin. Napapailing ang aking ulo habang patuloy akong naglalakad nang walang direksyon.

Tumulo ang unang luha.

Sumunod ang pangalawa.

At nasundan pa ng iba hanggang sa ang dating pagtulo lamang ay tuluyang naging agos ng luha.

Umiiyak ako.

Pero bakit?

Bakit?!

Patuloy akong naglakad hanggang sa makabalik ako sa shed.

Hindi ko na natiis.

Itinaas ko ang aking kamay, isinara sa isang kamao at buong lakas na binayo ng suntok ang pader.

Itinaas ko ang aking isang kamay at inulit ang pagbayo. Inulit-ulit ko ang pagbuhos ng sakit at pagdadalamhati sa kawawang pader na walang magawa kundi ang tanggapin ang bawat suntok na aking maibibigay. Yumayanig ang shed. Nararamdaman kong nahuhulog sa aking mga balikat ang mga piraso ng damo na ginawang bubungan ng shed.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong magwala.

“Pare tama na yan!”

Lumingon ako sa aking likuran.

“Paulo… bakit ganoon, Paulo?!?”, paimpit kong sigaw ko sa kanya.

Umatras ako ng bahagya, umikot at buong lakas na ibinaon ang aking kanang binti sa pader na kanina lamang ay kulay puti, at sa ngayon ay may mga mantas na na pula gawa ng sunud-sunod na pagbayo ng aking mga kamao.

Lumapit sa akin si Ulo. Alam kong nagising siya sa aking ginawa. Napaupo ako at parang isang bata ay humagulgol habang ibinabayo ang aking mga kamao sa buhangin.

“Bro tama na… bakit ba? Ano’ng problema…?”, gulung-gulo ang isip ni Ulo habang pilit na iniintindi kung bakit ko ginawa iyon.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam.

“Guys, okay lang kayo? I found this cup sa beach, may nakaiwan yata. Siguro si… “

Si Aja. Kasunod niya si Bryan.

“MY GOSH! What happened?!? Paulo, ano’ng nangyari sa kanya?!”

Tumingala ako kay Paulo. Luhain parin ang aking mga mata habang pilit kong ipinapabasa sa kanya ang nilalaman ng aking damdamin.

Tumango siya. Naintindihan niya.

Bumangon ako at ipinagpag ang aking damit at naglakad pabalik sa cottage.

“Wait… what happened…?”

Lumingon ako kay Aja. Ngunit nang makita ko siya, nakita ko rin si Bryan na mukhang nagising din sa mga pangyayari.

“Wala ‘to. Nadisgrasya lang.”

“Pero pano’ng… wait…!”

Tumalikod ako at patuloy na naglakad pabalik sa shed habang nakikita ko si Aja sa dulo ng aking paningin na magtakip ng kanyang kamay sa bibig nang makita ang mga pulang mantsa sa pader ng shed.

Thursday, September 01, 2005

Pamamaalam

Maglilinis ako ng aking kwarto
Na punong-puno ng galit at damit
Mga bagay na hindi ko na kailangan
Nakaraang hindi na pwedeng pagpaliban


-Kwarto, Sugarfree

Saturday, August 27, 2005

Bagahe - Kabanata 4

Alas-onse na ng gabi. Madilim ang paligid. Malinaw ang kalawakan. Kitang-kita ng mata ang nag-gagandahang mga bituin. Ang buwan, bilog… buo… parang eksena sa isang pelikulang pang-romansa. Parang mata ng Diyos na nagsusubaybay sa Kanyang mundong pansamantalang iniwan ng liwanag. Walang ibang marinig kundi ang huni ng mga kulisap na nagtatago sa mga puno at halamang nakapaligid. May mumunting mga lamparang nakatirik sa gilid ng mga daanan ng tao. Kung titingnan ito, parang sadyang dumapo ang mga alitaptap sa paanan ng tao upang ilawan ang kanyang daraanan. Maganda ang gabi. Walang labis, walang kulang. Tamang-tama ang pagkakataon. Kahit sa dilim, kitang-kita ang mga sariwang bulaklak na tumutubo sa hardin. Sa dilim, mas kaaya-aya ang ganda ng mga ito kaysa sa araw. Ang pagdapo ng sinag ng buwan sa mga dahon at bulaklak sa paligid ay tila isang larawan sa isang nobelang hindi mababasa ninuman, isang nobelang walang salita… kundi mga larawan lamang, na sa pagbuklat ng mambabasa ng mga pahina nito, hindi niya mababasa ang kuwento… mararamdaman niya ito. Sa mga larawang nakaguhit sa bawat pahina, mararamdaman ng mambabasa ang daloy ng buhay ng nobela. Walang salita. Walang nakasulat. Pawang mga larawan lamang.

Ito na nga.

Ngayon na.

“’Ja…?”

“Hmm…?”

Mahinang sumagot si Aja. Hindi sa antok, hindi rin sa lungkot. Sadyang ang mga ganitong pagkakataon ay hindi kailangan ng matinig na boses. Sapat na ang mga bulong.

“Hmmm… bakit? What’s wrong…?”

“Wala naman…”

“’lam mo, naiinis ako pag ganyan ka. Parang may gusto kang sabihin pero ayaw mo… ang gulo mo…”, bulong ni Aja na may halong inis at lambing. Kinurot niya ang braso kong nakayakap sa kanya habang nakasandal kami sa isang nakataob na banca sa dalampasigan.

“Mas malakas ka pala mangurot kaysa sumipa. Siguro kung may tournament dapat huwag ka nalang sumipa, mangurot ka nalang. Sigurado panalo ka agad…”, biro ko sa kanya.

Kinagat niya ang braso ko. Mas malakas sa kurot. Mas madiin. Sinubukas kong tiisin ang sakit, ngunit dahil sa may kasamang ngipin ang pagkaipit sa aking braso, hindi ko rin natiis at impit akong napasigaw.

“Sorry… ‘kaw kasi eh…”, patawang sabi ni Aja.

Tiningnan ko ang parte ng braso ko na kanyang kinagat. May natuklap na maliit na piraso ng balat. Pinunasan at hinimas ito ni Aja at marahang hinalikan, kunwa’y pantanggal ng sakit.

“’wag ka na rin mag-Law… mag-Medicine ka nalang. Isipin mo, hahalikan mo lang yung sugat, gagaling agad”, patuloy kong pagbiro sa kanya.

Hindi na siya bumawi. Walang kurot, walang kagat, walang salita. Kundi ay lalo niyang hinigpitan ang pagkayakap niya sa akin. Naramdaman ko ang pagtibok ng kanyang puso. Naramdaman ko ang kanyang paghinga sa aking leeg. Naamoy ko ang bango ng kanyang buhok. Walang halong pabango. Natural ang bango ng kanyang buhok. Natural ang lambot, natural ang kinis. Hinawi ko iyon at dahan-dahan kong idinampi ang aking mga labi sa kanyang noo. Hindi ko siya nakikita, ngunit naramdaman ko ang kanyang ngiti. Umayos siya ng puwesto hanggang sa halos nakahiga na siya sa aking dibdib habang nakasandal ako sa gilid ng banca.

“After tomorrow, uuwi na tayo sa Baguio…”, bulong niya.

“Yeah. Balik sa problema. Balik sa school. Balik sa lahat…”

“Ayoko…”, malambing niyang reklamo.

Mahina kaming napatawa. Pareho kami ng naiisip -- ayaw na naming bumalik. Ayaw naming matapos ang pagkakataong ito, ang pagkakataong magkasama kami, na kaming dalawa lamang ang tao sa aming maliit na mundo. Ayaw naming matapos ang oras na ito. Niyakap ko siya ng mahigpit. Ganoon din ang ginawa niya.

“I’m not letting you go, Aja…”, bulong ko sa kanya.

“I won’t let you let me go…”

Ipinikit ko ang aking mga mata at sinapo ang gilid ng kanyang mukha. Dahan-dahan kong inilapit ang sarili kong mukha sa kanya, unti-unting naglalapit ang aming mga labi…

“Bossing, kakain na!”

Bigla akong nagulat nang naramdaman ko ang malamig na tubig na umagos sa aking katawan. Pag-mulat ko ng aking mga mata, nakita ko na lamang na basa na ako at nakatayo ang tumatawang si LJ sa aking harapan habang hawak ang isang baso na kanina lang ay may lamang malamig na tubig.

“Sira ulo ka talaga, LJ. Kung hindi ka lang babae babalibagin kita sa dagat eh”, patawa kong sigaw kay LJ habang bumabangon ako. “Hoy Leilanie Joy! Pakikuha naman yung tuwalya ko sa tent, pati na rin yung bag ko. Magbibihis ako…”

“Huwag na! Hindi ka rin lang naliligo e, magpasalamat ka binuhusan pa kita ng tubig at kahit papaano nakatikim ka ng ligo”, habol na pang-aasar ni LJ habang kinukuha ang mga gamit ko sa tent.

Naghubad ako ng jersey at nagsuot ng shirt. Medyo malamig din pala dito kapag gabi. Tiningnan ko ang relo, ala-sais y media palang.

“Panaginip…?”, natanong ko sa sarili ko. May pagkagaan parin ang pakiramdam ko kaya’t medyo wala pa ako sa ganap na pagkagising.

Tiningnan ko ang aking braso. “Oo, dito ako kinurot ni Aja… tapos dito niya ako kinagat”, pagpapaalala ko habang pinagmamasdan ang aking braso. Walang sugat… walang balat na natuklap. Kundi ay may dalawang pantal na pula sa lugar na kung saan ay dapat na mayroong sugat. Tumingin ako sa recliner na aking hinigaan. May ilang mga pulang langgam na gumagapang sa paanan nito.

“So kinurot ako at kinagat ng langgam…”, patawa kong inisip.

Nagsisibalikan na ang iba naming kabarkada, ang iba kapapaligo lamang at ang iba naman ay kaaahon sa dagat. Hindi ko sinasadyang mapalingon kay Aja habang naglalakad siya pabalik sa shed mula sa dagat. Naka-bra top siya at naka-shorts. Medyo may pagkaitim na rin sa kanyang balikat. Mukhang hindi talaga siya umahon sa dagat mula nang makatulog ako. Napagmasdan ko ang kanyang noo… na kanina lamang sa panaginip ko ay hinalikan ko, ang kanyang buhok… na napagisipan ko kung yun nga ba talaga ang amoy at pakiramdam tulad ng sa aking panaginip. Pinagmasdan ko ang kanyang dibdib, kung saan ko naramdaman ang pagtibok ng kanyang puso. Tinitigan ko ang kanyang bibig, kung saan ko naramdaman ang init ng kanyang paghinga… at kung saan ko sana siya hahalikan…

“Ligawan mo na kasi…”

Nagulat ako sa nagsabi noon. Lumingon ako at nakita ko si Ate Janette. Nakangiti siya sa akin habang nakade-quatro sa recliner.

“Nag-iisip ka pa diyan e alam naman nating iyan din ang gagawin mo”

Si Ate Janette. Isang taon lang ang tanda niya sa akin, pero mula sa undergraduate ko ay nakasanayan ko rin na tawagin siyang Ate. Nag-aaral siya ng Doctor of Education sa Unibersidad ng Pilipinas, Manila. Mabuti na lamang na nakapag-laan siya ng apat na araw upang makasama sa barkada.

“Ate naman, bata pa ‘ko ano. Di ko pa iniisip yan…”, pabiro kong ganti.

“Sabi mo eh. Pero sige, kunwari naman naniniwala ako sa iyo”, pakindat niyang sagot.

Dumating si Aja sa shed at patuloy lamang ito naglakad. Dumaan siya sa aking harapan na di man lang ako tiningnan. Sa dulo ng aking paningin ay nakikita kong nakangiti si Ate Janette. Siya ang “matchmaker” ng grupo. Palibhasa ay mataas ang napag-aralan sa Psychology at Education, siya ang naging “Guru” ng barkada. Oo, siya ang nagpakilala kay Jess kay Alex. Siya rin ang nagpasimuno ng tambalan ni Ulo at Jemma.

Sinundan ko ng tingin si Aja. Habang nagpupunas siya ng buhok, biglang nagtagpo ang mga paningin namin. Ngumiti siya. Isa nanamang matamis na ngiti. Lumapit siya sa akin at kinuha ang aking braso.

“Ano’ng nangyari dito? Masakit ba?”

“Kinurot at kinagat ng langgam. Medyo mahapdi, pero okey lang”, pangiti kong sagot.

“Kinurot? Baliw… sobra ka kasi kung magmuni-muni… “

“Ako? Hindi ah, sarap nga ng tulog ko e. Malay ko ba na may batalyon pala ng langgam sa ilalim ng recliner ko…”

“Oo na, sige na. Diyan ka lang, kukuha ako ng antibiotic cream. Baka magka-infection pa iyan…”, nakangiting bilin ni Aja.

“Opo Inay…”, pabiro ko din sa kanya.


Habang naglalakad siya papunta sa tent upang kumuha ng gamot, lumingon siya sa akin at nagtanong…

“After tomorrow, uuwi na tayo sa Baguio, right?”