Tuesday, August 02, 2005

Bagahe - Kabanata 1

Wala na siya.

Isang taon na rin ang nakalipas. Wala na siya.

Ang babaeng lagi kong kasama… ang kamay na lagi kong hawak… isa na lamang malamig na alaala. Ang dating masasaya at maaliwalas na mga araw na aming pinagsamahan… lahat nawala… kasabay niyang nawala. Kasama niyang tinangay ng hangin ang mga masasayang alaala, ang mga pantig ng dibdib habang kami’y magkasama… ang bawat matatamis na halik na aming pinagsaluhan… kasama niyang nawala. Kasama niyang naglaho. Kasama niyang pumanaw.

Ilang buwan ko ipinagluksa ang kanyang pagkawala. Naroon ako’t umiiyak habang naglalakad… habang nakahiga… habang ibinubuklat ang mga pahina ng aming nakaraan na pawang mga maiikling recuerdos de beso na dumadampi sa aking masakit na kaluluwa.

Wala na siya.

“Pare, ang niluluto mo!”

Bigla kong nahulog ang siyanseng hawak ko nang sigawan ako ng aking kasamang si Paulo. “Ulo” kung tawagin ng barkada. May pagkalaki kasi ang ulo nito. Hindi kasabihan, totoong may pagkalaki ang hugis ng ulo niya. Nandito siya sa bahay para tulungan akong maghanda ng dadalhing pagkain para sa biyahe. Magkikita-kita kami ng barkada sa Main Gate ng SLU sa loob ng dalawang oras. Pupunta kaming Pagudpod ng dalawang araw. Intramurals kasi bukas, walang pasok. Nagkataong nagkayayaan kami ng barkada kaya’t eto ako. Dahil sa ako ang marunong magluto, ako ang naatasang maghanda ng pangmeryenda namin sa biyahe. Alas-otso na ng gabi. Magna-night trip kami, katatapos lang kasi ng mga klase namin.

“Sorry ‘tol… medyo na-tostado lang naman e. Masarap parin kung lalagy—“

“Sari-sari kasi iniisip mo e…” singit niya. “Kung ako sa iyo, huwag mo siyang isipin. Pinahihirapan mo lang ang sarili mo.”

Masakit. Pero totoo. Alam kong totoo ang sinabi ni Ulo. Pinahihirapan ko lang ang sarili ko sa patuloy kong pagluluksa. Alam ko rin na medyo nagsasawa na ang barkada sa mga litanya ko. Pero dahil mga kaibigan ko sila, pinauunlakan naman nila ako at hindi nila ako pinababayaan sa tuwing nangangailangan ako ng sasandalan.

“Oo na, oo na. Baka bawiin mo pa yung sasakyan e…”

Beinte kaming magkakabarkada. Oo, dalawampu. Labindalawang babae, walong lalaki. Nagkasama-sama kami dahil sa videoke. Naroong palagi kaming nagkikita-kita sa Quantum sa SM pagkatapos ng mga exam, naglalabas ng sama ng loob. Mangilan-ngilang mga pagtatagpo namin, napagkasunduan na rin naming maging isang malaking barkada. Hindi kami basta-basta. Hindi lahat maaaring maging kasama sa barkada. May mga “initiation” kami. Hindi, hindi kami frat. Sadyang may mga bagay lang na nakakapagpatibay sa pagkakaibigan namin. Kung wala ito sa isang taong nais maging kasapi, magiging kaibigan namin siya. Kakampi. Kasama. Pero hindi kabarkada. Ano ang mga bagay na ito? Una, HIYA. Wala kaming hiyaan. Kaya naming magbihis nang sabay-sabay, lalaki man o babae, sa iisang kuwarto. Kaya naming matulog nang magkakatabi sa iisang kama. Wala kaming pakialam kung may magkatabing babae o lalaki. Ang hindi lang namin pinagtatabi ay ang mga magnobyo. May apat na magnobyo sa barkada. Nag-umpisa sa crush crush, napunta sa asaran at sutilan, hanggang sa mabigla nalang kami, magnobyo na sila. Hindi namin sila ipinagtatabing matulog. At lalong hindi namin sila pinababayaang mapag-isa sa isang kuwarto. Mahirap na baka may mangyaring hindi maganda. Masisira ang tiwala ng kanilang mga pamilya sa barkada. Pangalawa, PERA. Kung wala kang pakialam sa pera, pasok ka. Sa amin, walang utang-utang. Walang nakawan. Walang inggitan. Kung nangangailangan ang isa, maghahati-hati kami para mabigyan siya. Pero sa tamang gamit naman. Yun ang napagkasanayan namin. Walang damutan pagdating sa pera. Pangatlo, J-FACT, o ang tinatawag naming “JOLOGS FACTOR”. Bawal ang maarte. Bawal ang sosyalista. Bawal ang social climbers. Lahat pantay-pantay. Walang ulo, walang paa. Sabay-sabay. Patas ang tinginan. Pwedeng maging “kikay”, dahil apat sa amin ay sobrang kikay. Pag titingnan mo ang handbag nilang napakaliit, magtataka ka kung paano napagkasya ang cellphone, face powder, cologne, lotion, lip gloss, mascara, foundation, spare napkin (o tampon. Galing ‘Tate ang isang babae namin, si Alex… pero hindi ko na siya ikukuwento), hand towel, hand sanitizer, facial tissue, wet tissue, nail clipper, tweezer, lipstick, ID, ponytail, panyo at minsan, spare underwear (kung sakaling may impromptu sleepover). Ang “mahiwagang handbag” kung tawagin. At siya… ang babaeng nawala sa akin ng tuluyan… simple lang siya kung manamit. Hindi kikay, hindi rin burara. Malinis siya sa katawan. Hindi siya mahilig sa pabango… mayroon siyang likas na bangong nalalanghap tuwing niyayakap ko siya. Ang buhok niya’y likas na malambot at mabango. Ang kanyang balat at natural na makinis at maaliwalas. Hindi siya mahilig sa makeup. Kaya ko siya nagustuhan dahil simple lang siya…

Hindi kami magkakakaklase. Hindi rin pare-pareho ang mga kurso namin. May Engineering, may Law, may Medicine, may Accountancy, may Nursing. Siguro dahil lang sa tadhana ay nagkasama-sama kami. Dahil na rin siguro sa tadhana ay dalawampu kaming pupunta sa Pagudpod ngayong gabi. Tatlong sasakyan ang dala namin. Isang L-300 na sasakyan ni Joel, graduating sa Accountancy… cum laude, isang Corolla na kotse ng boyfriend ni Alex, at isang Revo, na sasakyan ng tatay ni Ulo. Ako ang magmamaneho, pero papalitan din ako ni Ulo kapag napagod ako. Sa akin ipinagkatiwala ng tatay niya ang sasakyan, student license lang kasi ang hawak ni Ulo… medyo garapal din ito sa kalsada kaya mas kampante ang loob ng tatay niya kung ako ang magmamaneho. Bukod sa non-pro ang lisensya ko, hindi pa ako nadidisgrasya kahit minsan. Dahil siguro sa maingat ako magmaneho… o natatakot lang ako madisgrasya.

SPLAK!

“Gising kumag!”, sigaw ni Ulo, nang saksakan niya ng isang piraso ng yelo ang loob ng jersey ko, “trenta minutos nalang aalis na tayo, marami pa tayong susunduin! Tama na yang muni-muni mo!”, patawang sambit ni Ulo.

Inilabas ko ang mga bag namin pati ang pagkain. Iniayos naman ito ni Ulo sa carrier sa bubong ng Revo. “Kung sana… sana kung… kasama sana siya sa lakad namin ngayon…”, malungkot kong naisip.

...itutuloy

1 comment:

happyLizzie said...

hmmm... familiar ang story line... :)